Inhumane Butcher

Kare-Kare, Sinigang, Menudo. Mahilig talaga sa putaheng may karne ang mga Pilipino. Pero ang mga baboy at baka na sangkap sa mga putaheng ito, tila matinding hirap ang pinagdaraanan bago pa man lumapag sa ating mga hapag-kainan.
Noong nakaraang buwan, iniulat ng Reporter’s Notebook ang isang makapanindig-balahibong sitwasyon sa isang slaughterhouse sa Bacolod. Pero bukod sa kalagayan ng mga hayop at trabahador, may isa pang bagay na nakatawag sa kanilang pansin.
Sa pagpapabagsak ng mga hayop bago katayin, gumagamit ng pangunguryente ang mga matador sa mga baboy. Pagdating naman sa malalaking hayop tulad ng kabayo at kalabaw, binabambo ang mga ito sa ulo hanggang bumagsak.
Sa atin, gamit pa rin ng karamihan ang tradisyunal na paraan ng pagkatay sa baboy at baka tulad ng pamumukpok ng ilang ulit. Sanay na sanay ang mga mataderong naririnig ang sigaw ng pinapatay na hayop. Ang problema, hindi sa lahat ng oras ay mawawalan kaagad ng malay ang mga ito. Kaya ilang pukpok pa ang kakailanganin bago sila tuluyang mahilo.
Pagdating naman sa mga malalaking hayop, isang kutsilyo ang ginagamit. Ang mahirap naman sa paraang ito, kung hindi sanay ang gagawa, ilang beses sasaksakin ang ulo ng hayop bago ito tuluyang bumagsak. Para sa mahina ang loob, mahirap tignan ang mga hayop na lumuluha sa sakit habang pinapatay.
Sa isang slaughterhouse naman sa Quezon City, tubo rin ang ginagamit sa pagpatay sa mga hayop. Tulad ng sa naunang bahay-katayan, kung minsan ay halos mabasag na ang bungo ng mga baboy sa dami ng palo bago mawalan ng malay.
Nakasanayan na nga raw ang paraan ito lalo na sa mga probinsya. Pero ano nga ba ang tamang reglamento?
Ayon sa People’s and the Ethical Treatment of Animals (PETA), hindi makatao ang ganitong klase ng pagpatay sa mga hayop.
“Yung ibang tao, kahit binubugbog sila nararamdaman pa rin nila. Hindi sila kaagad nawawalan ng malay. It’s the same way with the animals and it’s a cruelty.” -- Therese Sua, Philippine Campaign Assisstant, PETA
Ang pamantayang ito ay pamantayan ng mayayamang lipunan tulad ng Amerika na may magagarang gamit sa pagkatay. Sa kanila kasi, alagang-alaga ang mga hayop at di nila maatim na makitang nasasaktan ang mga ito, kahit pa kakainin din nila ito sa bandang huli.
Source:
Maki Pulido
GMA 7, Reporter’s Notebook
August 29, 2006


0 Comments:
Post a Comment
<< Home